Archive

Archive for the ‘Family and Me’ Category

Para na sa tabi

March 4th, 2014 Comments off

Gigising ng maaga, hihigop ng mainit na kape at maghahanda ng almusal, bahaw, itlog at tuyo, gagamitin ang isang pirasong tineykhome na sachet ng ketchup ng McDo. Pagkatapos mag-almusal at maghugas ng plato ay maliligo na, may konti pang natira sa sabong pampaligo at pipigain ang natitirang katas ng sachet ng Palmolive shampoo. Mayamaya’y hahanapin sa aparador ang damit na hindi plantsado pero hindi naman gaano gusot, puwede na. Sa isang sulok nama’y tatambad ang gabundok na naka-ipong labahan na nangagarap ring malabhan. Lalabas na’t mag-aabang ng dyip, at habang lulan na patungo sa trabaho ay iisipin ang pamilyang nasa malayo: kumusta kaya sila ngayon, nakapag-almusal na kaya sila? Ang bunso ko nakahanda na kaya sa pagpasok sa eskwela? Malapit na. Mama bayad o.

Cotabato City 3.4.2014

Categories: Family and Me Tags:

Karaniwang tao

January 12th, 2014 Comments off

Tinatapos ang weekend sa pamamagitan ng pagpunta sa mall para manuod ng sine, at pagkatapos ay kakain sa Chowking. Konting ikot para busugin ang mga mata at magpantasya sa mga nakadisplay na magagarang paninda, mayapa’y tataya din ng lotto. Pasyal ng mga ordinaryong mortal, salat man sa karangyaan pero walang kapantay ang kasiyahan lalot na’t mahal sa buhay ang kasama. Gabi na, uuwi na para sa kailangang pahinga dahil bukas, banat buto uli.

Davao City 1.12.2014

Categories: Family and Me, Other Stories Tags:

Hintay

August 13th, 2013 Comments off

Ang hirap magbilang ng mga araw na walang kasiguruhan.
Ang magtiis sa mga puwang ng kawalan ng ngayon at bukas.
Kapag delayed ang sahod at paubos na ang bigas.

– Cotabato City, August 8, 2013

Categories: Family and Me, Other Stories Tags:

Agusto Singko, Cotabato

August 13th, 2013 Comments off

Walang habas na karahasan.
Walang katumbas na kasamaan.
Tingnan mo ang mga larawan,
panoorin mo sa TV
mga katawang lasog sa
kalsadang naligo sa dugo
mula sa sumabog na puso
ng mga dumaan lang at
hindi na nakapagpaalam.

Categories: Family and Me, My Mindanao Tags:

Pagsikat

June 24th, 2013 Comments off

Bumuka sa malabong paligid ang mga matang puno
pa ng sapot mula sa gabi ng pagtulog.
Ininat ng hikab ang mga antok na yapak
sa malamig na sahig. Pupungas-pungas sa
kinakailangang pagtimpla ng mainit na kape.
Mapapaso ang dila, gigisingin ang diwa.
Masarap pa sanang bumalik pikit at mamaluktot,
pero umaga na naman. Gising na ang mundong gagalawan.

Categories: Family and Me, Other Stories Tags:

Ritwal sa Paglipat ng Bagong Bahay

May 3rd, 2012 Comments off

Sa bawat bukas nang karton
upang suriin ang mga nakaimpakeng gamit,
ay para ring nagbubukas ng mga ala-ala…
may ilalabas para gamitin,
merong kelangang itapon na sa basura,
at meron ding mga ililigpit muli sa karton.
Maayos itong ihilera sa tahimik na sulok ng
mga aparador, upang sa tuwina’y
bibisitahin sa gabi ng paggunita.

GSIS Heights
Matina, Davao City

Categories: Family and Me Tags:

Kalye Unida

August 22nd, 2011 Comments off


Pinapaliguan
ng liwanag mula
sa mga poste ng ilaw
ang Kalye Unida
sa gabing mapanglaw.


Ika- 21 ng Agusto 2011

Categories: Family and Me, Other Stories Tags: