Home > Family and Me > Ika-10 Anibersaryo ng Pag-iisang Dibdib

Ika-10 Anibersaryo ng Pag-iisang Dibdib

January 23rd, 2015

weddingdayEnero 23, 2004 o 1234-ever, ang petsang nakaukit na sa aming pinag-isang dibdib. Isang matamis na ala-ala ang araw na ito nang ikinasal kami sa huwes ng RTC ng Makati. Marami kaming kasabay noon, siguro mga apat na pares. Ewan ko lang sa mga nakasabayan namin kung ilan sa kanila ang they live happily ever after. Basta kami, mula noon ay steady maligaya lang.

Kapos kami sa resources kaya pinagkasya lang namin ang konting baryang naipon, ilang na-solicit at na-utang para sa okasyon, at pambili ng murang singsing sa Ongpin – yung tipong ginto ngayon pero matapos ang isang linggo ay magiging tanso na ito na mag-iiwan ng libag na kulay dark green sa daliri.

Hindi namin kaya ang bonggang kasalan kaya minabuti na rin naming sa huwes na lang magpakasal. Sa wari namin ganun lang din naman ang kwenta, parehas lang din ang mga eksena: matapos ang mahabang mga wento’t abrakadabra, lulundo rin naman sa deklarasyong kami ay pinag-isa na bilang mag-asawa at maghahalikan bilang pinale ng seremonya, at pagkatapos magpapalakpakan ang mga saksi na parang nanuod ng pelikula ni Sharon Cuneta.

Pagkatapos ng kasalan, sakay ng dyip diretso pauwi sa inuupahang bahay sa Guadalupe para sa konting salo-salo. Mga ilang myembro ng Pamilya lang din namin ang bisita. Ang handa ay isang bilao ng pansit malabon na gawa sa makati, mga dalawang Coke litro, isang gallon na ice cream, tasty bread at tubig na pinalamig ng nilublob na yelo mula sa tindahan nila Pastor sa kanto.

Sa mga gabi ng paggunita madaling maalala ang mga okasyong kagaya nito. Ang pagbuo ng isang pamilyang nagumpisa sa mga payak na pangarap na pinunla sa hirap at ginhawa. Ang unang habi ng masayang ala-ala ng simpleng pamumuhay na nagbunga ng mga munting tagumpay.

Mula sa kasaysayang ito nabuo ang kwento ng buhay ng isang pamilyang maligaya kahit sapat lang sa kariwasaan, at masaya sa piling ng bawat isa, kahit palaging nagkukulitan.

Kahit papaano, hindi man marangya meron din tayong ating Happy Anniversary, wub you darling, Bambit. Tara kain tayo sa Chow King, tapos taya tayong lotto.

Categories: Family and Me Tags:
Comments are closed.