Home > Family and Me > Darating Ang Papa

Darating Ang Papa

January 15th, 2015

(Tula ni Romulo Sandoval, Pebrero 1980)

Darating ang Papa;
inaasahang bawat isa, hindi himala bagama’t bigla
ay imakuladang inodoro
pagsambot sa ipaaagaw na bendita.

Humahalimuyak ang ulat:
ipagpapaliban ng mga prodyuser
ang pagbibilad ng bold na pelikula,
at sa kanto ng Taft at Libertad, ang Impierno
ay temporaryong bibirangan.
Kahiyahiya sa Papa.

Inatasan ang mga Metro Aide na walisin, muli’t muli
ang mga libaging kalansay sa bangketa,
kulapulan ng berde ang mga galising damo.
Nakasampay sa mga dila ang hula
kung saan ipapasyal ang banal na roba:
sa Kapitbahayan o bahay-BLISS?
Pagkat walang ipis na dapat umaligid,
walang sulasok na makapuknat-kulangot.

Walang pagdarahop na dapat sumalubong.
Walang barbwayr na dapat sumalikop.
Tiyak, ang ngiti ng Papa ay abot-tonsura.
Dali, ikula ang mga maskara,
alisan ng garapata ang mga rosaryo’t kalmen,
ibabad sa lisol ang mga kaluluwa.
Darating ang Papa.

——-
President Marcos lifted Martial Law as “face lifting” precondition to the visit of Pope John Paul II on February 1981.

(Ang tulang ito ay mula sa koleksyong Kanta sa Gabi, Sipat Publications [1994])

Categories: Family and Me Tags:
Comments are closed.